Liham sa mga Taga-Roma
8 Kaya nga ang mga kaisa ni Kristo Jesus ay hindi hinahatulang may-sala.+ 2 Dahil ang kautusan ng espiritu na nagbibigay ng buhay na kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo+ mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. 3 Ang hindi magawa ng Kautusan+ dahil sa kahinaan+ ng laman ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo ng sarili niyang Anak+ sa anyo ng tao*+ para alisin ang kasalanan. Sa gayon ay hinatulan niya ang kasalanan ng laman, 4 para masunod natin ang matuwid na kahilingan ng Kautusan+ sa pamamagitan ng paglakad ayon sa espiritu at hindi sa laman.+ 5 Dahil ang pag-iisip ng mga namumuhay ayon sa laman ay nakatuon sa makalamang mga pagnanasa,+ pero ang mga namumuhay ayon sa espiritu, sa mga bagay na may kinalaman sa espiritu.+ 6 Ang pagtutuon ng isip sa laman ay umaakay sa kamatayan,+ pero ang pagtutuon ng isip sa espiritu ay umaakay sa buhay at kapayapaan;+ 7 dahil ang pagtutuon ng isip sa laman ay pakikipag-away sa Diyos,+ dahil ang laman ay hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos, at ang totoo, hindi nito kayang sumunod. 8 Kaya ang mga namumuhay ayon sa laman ay hindi makapagpapalugod sa Diyos.
9 Pero kung talagang nasa inyo ang espiritu ng Diyos, namumuhay kayo ayon sa espiritu+ at hindi sa laman. Pero kung hindi taglay ng isang tao ang pag-iisip* ni Kristo, ang taong ito ay hindi kay Kristo. 10 Pero kung kaisa ninyo si Kristo,+ patay ang katawan dahil sa kasalanan, pero nagbibigay-buhay ang espiritu dahil sa katuwiran. 11 Kaya kung nasa inyo ang espiritu ng bumuhay-muli kay Jesus, bubuhayin din ng bumuhay-muli kay Kristo Jesus+ ang inyong mortal na mga katawan+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu na nasa inyo.
12 Kaya nga, mga kapatid, mayroon tayong pananagutan, pero hindi sa laman, kaya hindi tayo nabubuhay ayon sa laman;+ 13 dahil kung nabubuhay kayo ayon sa laman, tiyak na mamamatay kayo; pero kung papatayin ninyo ang mga gawa ng katawan+ sa pamamagitan ng espiritu, mabubuhay kayo.+ 14 Dahil ang lahat ng inaakay ng espiritu ng Diyos ay talagang mga anak ng Diyos.+ 15 Dahil hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin na magdudulot ulit ng takot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak at sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: “Abba, Ama!”+ 16 Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama natin+ na tayo ay mga anak ng Diyos.+ 17 Kaya kung tayo ay mga anak, mga tagapagmana rin tayo—mga tagapagmana ng Diyos, pero mga kasamang tagapagmana+ ni Kristo—kung magdurusa tayong kasama niya+ para maluwalhati rin tayong kasama niya.+
18 Para sa akin, ang mga pagdurusa sa ngayon ay walang-wala kung ihahambing sa kaluwalhatiang isisiwalat sa atin.+ 19 Dahil sabik na sabik na naghihintay ang lahat ng nilalang sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.+ 20 Dahil ang lahat ng nilalang ay ipinasailalim sa kawalang-saysay,+ hindi dahil sa sarili nilang kagustuhan kundi dahil sa isa na nagpasailalim sa kanila rito. Pero nagbigay siya ng pag-asa+ 21 para ang lahat ng nilalang ay mapalaya+ rin mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magkaroon* ng maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos. 22 Dahil alam natin na ang lahat ng nilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon. 23 Bukod diyan, tayo rin mismo na tumanggap ng mga unang bunga, ang espiritu,+ ay dumaraing sa loob natin+ habang hinihintay natin nang may pananabik ang pag-aampon sa atin bilang mga anak,+ ang pagpapalaya mula sa ating katawan sa pamamagitan ng pantubos.+ 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito; pero ang pag-asang nakikita ay hindi matatawag na pag-asa, dahil kung nakikita ng isang tao ang isang bagay, aasahan pa ba niya iyon? 25 Pero kapag inaasahan natin+ ang hindi natin nakikita,+ patuloy natin itong hinihintay nang may pananabik at pagtitiis.*+
26 Gayundin, tinutulungan tayo ng espiritu kapag nanghihina tayo;+ dahil may mga pagkakataon na hindi natin alam ang sasabihin kapag kailangan nating manalangin, pero ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin kapag hindi natin mabigkas ang mga daing natin. 27 At naiintindihan ng sumusuri sa mga puso+ kung ano ang hinihiling ng espiritu, dahil nakikiusap ito kaayon ng kalooban ng Diyos para sa mga banal.
28 Alam natin na pinangyayari ng Diyos na magtulong-tulong ang lahat ng kaniyang gawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa Diyos, ang mga tinawag ayon sa kaniyang layunin;+ 29 dahil ang mga una niyang binigyang-pansin ay patiuna rin niyang itinalaga na maging katulad ng kaniyang Anak,+ para siya ang maging panganay+ sa maraming magkakapatid.+ 30 Bukod diyan, ang mga patiuna niyang itinalaga+ ang siya ring mga tinawag niya;+ at ang mga tinawag niya ang siya ring mga ipinahayag niyang matuwid.+ At ang mga ipinahayag niyang matuwid ang siya ring mga niluwalhati niya.+
31 Kung gayon, ano ang sasabihin natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang lalaban sa atin?*+ 32 Hindi niya ipinagkait sa atin kahit ang sarili niyang Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat,+ kaya tiyak na masaya ring ibibigay sa atin ng Diyos at ng kaniyang Anak ang lahat ng iba pang bagay, hindi ba? 33 Sino ang makapag-aakusa sa mga pinili ng Diyos?+ Wala, dahil ang Diyos ang nagsasabi* na matuwid sila.+ 34 Sino ang makahahatol laban sa kanila? Wala, dahil namatay si Kristo Jesus at binuhay-muli, at siya ay nasa kanan ng Diyos+ at nakikiusap din para sa atin.+
35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo?+ Kapighatian ba, pagdurusa, pag-uusig, gutom, kahubaran, panganib, o espada?+ 36 Gaya ng nasusulat: “Dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; para kaming mga tupang papatayin.”+ 37 Pero sa tulong ng isa na umiibig sa atin, lubos tayong nagtatagumpay+ sa lahat ng ito. 38 Dahil kumbinsido ako na kahit ang kamatayan o buhay o mga anghel o mga pamahalaan o mga bagay na narito ngayon o mga bagay na darating o mga kapangyarihan+ 39 o taas o lalim o anupamang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinapakita rin ni Kristo Jesus na ating Panginoon.