Mateo
13 Nang araw na iyon, pagkaalis sa bahay, si Jesus ay nakaupo sa tabi ng dagat; 2 at malalaking pulutong ang natipon sa kaniya, kung kaya lumulan siya sa isang bangka at umupo,+ at ang buong pulutong ay nakatayo sa dalampasigan. 3 Nang magkagayon ay inilahad niya sa kanila ang maraming bagay sa pamamagitan ng mga ilustrasyon, na sinasabi: “Narito! Isang manghahasik ang lumabas upang maghasik;+ 4 at habang naghahasik siya, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at inubos ang mga iyon.+ 5 Ang iba ay nahulog sa mga dakong mabato kung saan wala silang gaanong lupa, at karaka-rakang sumibol ang mga ito dahil sa hindi malalim ang lupa.+ 6 Ngunit nang sumikat ang araw ay nainitan ang mga ito, at dahil sa walang ugat ay nalanta ang mga ito.+ 7 Ang iba naman ay nahulog sa gitna ng mga tinik, at lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga ito.+ 8 Gayunman ang iba pa ay nahulog sa mainam na lupa at ang mga ito ay nagsimulang magluwal ng bunga,+ ang isang ito ay isang daang ulit, ang isang iyon ay animnapu, ang isa pa ay tatlumpu.+ 9 Siya na may mga tainga ay makinig.”+
10 Kaya ang mga alagad ay lumapit at nagsabi sa kaniya: “Bakit ka nga ba nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon?”+ 11 Bilang tugon ay sinabi niya: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim+ ng kaharian ng langit, ngunit sa mga taong iyon ay hindi ito ipinagkaloob.+ 12 Sapagkat sinumang mayroon, higit pa ang ibibigay sa kaniya at siya ay pasasaganain;+ ngunit sinumang wala, maging ang taglay niya ay kukunin sa kaniya.+ 13 Ito ang dahilan kung bakit ako nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon, sapagkat, sa pagtingin, sila ay tumitingin nang walang kabuluhan, at sa pakikinig, sila ay nakikinig nang walang kabuluhan, ni nakukuha man nila ang diwa nito;+ 14 at sa kanila ay natutupad ang hula ni Isaias, na nagsasabi, ‘Sa pakikinig, maririnig ninyo ngunit sa anumang paraan ay hindi makukuha ang diwa nito; at, sa pagtingin, titingin kayo ngunit sa anumang paraan ay hindi makakakita.+ 15 Sapagkat ang puso ng bayang ito ay naging manhid, at sa pamamagitan ng kanilang mga tainga ay narinig nila nang walang pagtugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; upang hindi nila kailanman makita ng kanilang mga mata at marinig ng kanilang mga tainga at makuha ng kanilang mga puso ang diwa nito at manumbalik, at mapagaling ko sila.’+
16 “Gayunman, maligaya ang inyong mga mata+ sapagkat ang mga iyon ay nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat ang mga iyon ay nakaririnig. 17 Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga propeta+ at mga taong matuwid ang nagnais na makita ang mga bagay na inyong nakikita at hindi nakita ang mga iyon,+ at marinig ang mga bagay na inyong naririnig at hindi narinig ang mga iyon.+
18 “Kung gayon, pakinggan ninyo ang ilustrasyon ng tao na naghasik.+ 19 Kung saan naririnig ng sinuman ang salita ng kaharian ngunit hindi nakukuha ang diwa nito, ang isa na balakyot+ ay dumarating at inaagaw ang naihasik na sa kaniyang puso; ito yaong naihasik sa tabi ng daan. 20 Kung tungkol sa isa na naihasik sa mga dakong mabato, ito yaong nakikinig sa salita at karaka-rakang tinatanggap iyon nang may kagalakan.+ 21 Gayunma’y wala siyang ugat sa kaniyang sarili kundi nananatili nang sandaling panahon, at pagkatapos na bumangon ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay karaka-raka siyang natitisod.+ 22 Kung tungkol sa isa na naihasik sa gitna ng mga tinik, ito yaong nakikinig sa salita, ngunit ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay+ at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan ay sumasakal sa salita, at siya ay nagiging di-mabunga.+ 23 Kung tungkol sa isa na naihasik sa mainam na lupa, ito yaong nakikinig sa salita at nakukuha ang diwa nito, na talagang nagbubunga at nagluluwal, ang isang ito ay isang daang ulit, ang isang iyon ay animnapu, ang isa pa ay tatlumpu.”+
24 Isa pang ilustrasyon ang iniharap niya sa kanila, na sinasabi: “Ang kaharian ng langit ay naging tulad ng isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa kaniyang bukid.+ 25 Habang natutulog ang mga tao, ang kaniyang kaaway ay dumating at naghasik ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo, at umalis. 26 Nang sumibol ang dahon at magluwal ng bunga, nang magkagayon ay lumitaw rin ang mga panirang-damo. 27 Kaya ang mga alipin ng may-bahay ay lumapit at nagsabi sa kaniya, ‘Panginoon, hindi ba naghasik ka ng mainam na binhi sa iyong bukid?+ Kung gayon, paano ito nagkaroon ng mga panirang-damo?’+ 28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway, isang tao, ang gumawa nito.’+ Sinabi nila sa kaniya, ‘Kung gayon, ibig mo bang lumabas kami at tipunin ang mga iyon?’ 29 Sinabi niya, ‘Hindi; baka sa paanuman, samantalang tinitipon ninyo ang mga panirang-damo, ay mabunot ninyong kasama nila ang trigo. 30 Hayaan ninyong kapuwa sila lumaking magkasama hanggang sa pag-aani; at sa kapanahunan ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga panirang-damo at bigkisin ang mga iyon sa mga bungkos upang sunugin ang mga iyon,+ pagkatapos ay tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’ ”+
31 Isa pang ilustrasyon ang iniharap niya sa kanila,+ na sinasabi: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng butil ng mustasa,+ na kinuha ng isang tao at itinanim sa kaniyang bukid; 32 na ito, sa katunayan, ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit kapag tumubo na ay ito ang pinakamalaki sa mga gulay at nagiging isang punungkahoy, anupat ang mga ibon sa langit+ ay dumarating at nakasusumpong ng masisilungan sa mga sanga nito.”+
33 Isa pang ilustrasyon ang inilahad niya sa kanila: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng lebadura,+ na kinuha ng isang babae at itinago sa tatlong malalaking takal ng harina, hanggang sa mapaalsa ang buong limpak.”
34 Lahat ng mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila;+ 35 upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta na nagsabi: “Ibubuka ko ang aking bibig na may mga ilustrasyon, ihahayag ko ang mga bagay na nakatago mula pa sa pagkakatatag.”+
36 Nang magkagayon pagkatapos na pauwiin ang mga pulutong ay pumasok siya sa bahay. At lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at nagsabi: “Ipaliwanag mo sa amin ang ilustrasyon tungkol sa mga panirang-damo sa bukid.” 37 Bilang tugon ay sinabi niya: “Ang manghahasik ng mainam na binhi ay ang Anak ng tao; 38 ang bukid ay ang sanlibutan;+ kung tungkol sa mainam na binhi, ito ay ang mga anak ng kaharian; ngunit ang mga panirang-damo ay ang mga anak ng isa na balakyot,+ 39 at ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo.+ Ang pag-aani+ ay katapusan ng isang sistema ng mga bagay,+ at ang mga manggagapas ay mga anghel. 40 Samakatuwid, kung paanong ang mga panirang-damo ay tinitipon at sinusunog sa apoy, gayon ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay.+ 41 Isusugo ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at titipunin nila mula sa kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na sanhi ng ikatitisod+ at yaong mga gumagawa ng katampalasanan, 42 at kanilang ihahagis sila sa maapoy na hurno.+ Doon mangyayari ang kanilang pagtangis at ang pagngangalit ng kanilang mga ngipin.+ 43 Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat+ nang maliwanag na gaya ng araw+ sa kaharian ng kanilang Ama. Siya na may mga tainga ay makinig.+
44 “Ang kaharian ng langit ay tulad ng kayamanang nakatago sa parang, na nasumpungan ng isang tao at itinago; at dahil sa kagalakang taglay niya ay humayo siya at ipinagbili+ ang mga bagay na taglay niya at binili ang bukid na iyon.+
45 “Muli ang kaharian ng langit ay tulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas. 46 Sa pagkasumpong sa isang perlas na may mataas na halaga,+ umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.+
47 “Muli ang kaharian ng langit ay tulad ng isang lambat na pangubkob na inihulog sa dagat at nagtitipon ng bawat uri ng isda.+ 48 Nang mapuno ito ay hinatak nila ito sa dalampasigan at, pagkaupo nila, tinipon nila ang maiinam+ sa mga sisidlan, ngunit ang mga di-karapat-dapat+ ay itinapon nila. 49 Ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay: lalabas ang mga anghel at ibubukod ang mga balakyot+ mula sa mga matuwid+ 50 at ihahagis sila sa maapoy na hurno. Doon mangyayari ang kanilang pagtangis at ang pagngangalit ng kanilang mga ngipin.+
51 “Nakuha ba ninyo ang diwa ng lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kaniya: “Oo.” 52 Sa gayon ay sinabi niya sa kanila: “Kung magkagayon, ang bawat pangmadlang tagapagturo, kapag naturuan may kinalaman sa kaharian ng langit,+ ay tulad ng isang tao, isang may-bahay, na naglalabas mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”+
53 Ngayon nang matapos na ni Jesus ang mga ilustrasyong ito ay umalis siya mula roon. 54 At pagdating sa kaniyang sariling teritoryo+ ay pinasimulan niyang turuan sila sa kanilang sinagoga,+ anupat lubha silang namangha at nagsabi: “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong karunungan at ang ganitong makapangyarihang mga gawa? 55 Hindi ba ito ang anak ng karpintero?+ Hindi ba ang kaniyang ina ay tinatawag na Maria, at ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay sina Santiago at Jose at Simon at Hudas? 56 At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi ba kasama natin silang lahat?+ Saan, kung gayon, kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”+ 57 Kaya nagsimula silang matisod sa kaniya.+ Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang propeta ay hindi winawalang-dangal maliban sa kaniyang sariling teritoryo at sa kaniyang sariling bahay.”+ 58 At hindi siya gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya.+