Liham ni Santiago
1 Mula kay Santiago,+ isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo, para sa 12 tribo na nakapangalat:
Tanggapin ninyo ang pagbati ko!
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok,+ 3 dahil alam ninyo na kapag nasubok sa ganitong paraan ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis.*+ 4 Pero hayaang gawin ng pagtitiis* ang layunin nito, para kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng aspekto at hindi nagkukulang ng anuman.+
5 Kaya kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos,+ dahil sagana Siyang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta,*+ at ibibigay iyon sa kaniya.+ 6 Pero patuloy siyang humingi nang may pananampalataya,+ na walang anumang pag-aalinlangan,+ dahil ang nag-aalinlangan ay gaya ng alon sa dagat na hinihipan ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan. 7 Sa katunayan, hindi makaaasa ang taong iyon na tatanggap siya ng anuman mula kay Jehova;* 8 siya ay isang taong hindi makapagpasiya,+ hindi matatag sa lahat ng landasin niya.
9 Pero magsaya* ang nakabababang kapatid dahil sa pagkakataas sa kaniya,+ 10 at ang mayaman dahil sa pagkakababa sa kaniya,+ dahil lilipas siyang tulad ng isang bulaklak sa parang. 11 Dahil kung paanong sumisikat ang araw na may nakapapasong init at nilalanta ang halaman, at ang bulaklak nito ay nalalagas at ang ganda nito ay nawawala, ang taong mayaman ay maglalaho rin habang naghahabol sa kayamanan.+
12 Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok,+ dahil kapag kinalugdan siya, tatanggapin niya ang korona ng buhay,+ na ipinangako ni Jehova* sa mga patuloy na umiibig sa Kaniya.+ 13 Kapag dumaranas ng pagsubok, huwag sabihin ninuman: “Sinusubok ako ng Diyos.” Dahil ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama, at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama. 14 Kundi ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit* ng sarili niyang pagnanasa.+ 15 At ang pagnanasa, kapag naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag nagawa na, ay nagbubunga ng kamatayan.+
16 Huwag kayong palíligaw, mahal kong mga kapatid. 17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat perpektong regalo ay mula sa itaas,+ bumababa mula sa Ama ng mga liwanag sa langit;+ hindi siya nag-iiba o nagbabago gaya ng anino.*+ 18 Kalooban niya na isilang tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan,+ para tayo ay maging isang uri ng mga unang bunga ng mga nilalang niya.+
19 Tandaan ninyo ito,* mahal kong mga kapatid: Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita,+ mabagal magalit,+ 20 dahil ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos.+ 21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang bawat bahid ng kasamaan,*+ at tanggapin nang may kahinahunan ang salitang itinatanim sa puso ninyo na makapagliligtas sa inyo.
22 Gayunman, maging tagatupad kayo ng salita+ at hindi tagapakinig lang, na dinaraya ang inyong sarili ng maling pangangatuwiran. 23 Dahil kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad,+ siya ay gaya ng isang tao na tumitingin sa mukha* niya sa salamin. 24 Tinitingnan niya ang sarili niya, at umaalis siya at agad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao. 25 Pero ang tumitingin sa perpektong kautusan+ na umaakay sa kalayaan at patuloy na sumusunod dito ay hindi isang malilimuting tagapakinig, kundi isang tagatupad ng gawain; at magiging maligaya siya sa ginagawa niya.+
26 Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos* pero hindi niya kinokontrol* ang dila+ niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya. 27 Ang uri ng pagsamba* na malinis at walang dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila+ at mga biyuda+ na nagdurusa,+ at panatilihin ang sarili na walang bahid ng sanlibutan.+