Ayon kay Mateo
13 Nang araw na iyon, umalis si Jesus sa bahay at umupo sa may tabi ng lawa. 2 Dinagsa siya ng napakaraming tao kaya sumakay siya sa bangka at umupo rito, at ang lahat ng tao ay nakatayo sa dalampasigan.+ 3 Nagturo siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga ilustrasyon.+ Sinabi niya: “Isang magsasaka ang lumabas para maghasik.+ 4 Sa paghahasik niya, ang ilang binhi ay napunta sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito.+ 5 Ang iba ay napunta sa batuhan kung saan kakaunti ang lupa, at tumubo agad ang mga ito dahil hindi malalim ang lupa.+ 6 Pero nang sumikat ang araw ay nainitan ang mga ito, at dahil walang ugat, nalanta ang mga ito. 7 Ang iba naman ay napunta sa may matitinik na halaman, at lumago ang matitinik na halaman at sinakal ang mga binhing tumubo.+ 8 Ang iba pa ay napunta sa matabang lupa at namunga ang mga ito. May namunga nang 100 ulit, 60 ulit, at 30 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.+ 9 Ang may tainga ay makinig.”+
10 Kaya ang mga alagad ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Bakit ka nagtuturo sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon?”+ 11 Sumagot siya: “Pinahintulutan kayong maintindihan ang mga sagradong lihim+ ng Kaharian ng langit, pero hindi sila pinahintulutang maintindihan ito. 12 Dahil ang sinumang mayroon ay bibigyan pa, at siya ay gagawing masagana; pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.+ 13 Iyan ang dahilan kung bakit ako nagtuturo sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon; dahil tumitingin sila pero walang saysay ang pagtingin nila, at nakikinig sila pero walang saysay ang pakikinig nila, at wala silang naiintindihan.+ 14 Natutupad sa kanila ang hula ni Isaias: ‘Maririnig ninyo iyon pero hindi ninyo mauunawaan, at titingin kayo pero wala kayong makikita.+ 15 Dahil ang puso ng bayang ito ay naging manhid,* at nakaririnig ang mga tainga nila pero hindi sila tumutugon,* at ipinikit nila ang kanilang mga mata, para hindi makakita ang mga mata nila at hindi makarinig ang mga tainga nila at hindi makaunawa ang mga puso nila, kaya hindi sila nanunumbalik at hindi ko sila napagagaling.’+
16 “Pero maligaya kayo dahil nakakakita ang mga mata ninyo at nakaririnig ang mga tainga ninyo.+ 17 Dahil sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang mga nakikita ninyo pero hindi nila nakita ang mga iyon,+ at marinig ang mga naririnig ninyo pero hindi nila narinig ang mga iyon.
18 “Pakinggan ninyo ngayon ang ilustrasyon tungkol sa taong naghasik.+ 19 Kapag naririnig ng isa ang mensahe ng Kaharian pero hindi ito naiintindihan, dumarating ang masama*+ at inaagaw ang naihasik na sa puso niya; ito ang naihasik sa tabi ng daan.+ 20 Kung tungkol sa isa na naihasik sa batuhan, ito ang nakikinig sa mensahe at agad na tinatanggap iyon nang masaya.+ 21 Pero hindi ito nag-uugat sa puso niya at nananatili lang nang sandaling panahon. Pagdating ng mga problema o pag-uusig dahil sa mensahe, agad siyang nawawalan ng pananampalataya. 22 Kung tungkol sa isa na naihasik sa may matitinik na halaman, ito ang nakikinig sa mensahe, pero ang mga kabalisahan sa sistemang ito+ at ang mapandayang kapangyarihan ng* kayamanan ay sumasakal sa mensahe, at ito* ay nagiging di-mabunga.+ 23 Kung tungkol sa isa na naihasik sa matabang lupa, ito ang nakikinig sa mensahe at naiintindihan iyon, at talagang nagbubunga ito. May namumunga nang 100 ulit, 60 ulit, at 30 ulit na mas marami kaysa sa itinanim.”+
24 Isa pang ilustrasyon ang sinabi niya sa kanila: “Ang Kaharian ng langit ay katulad ng isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa bukid niya.+ 25 Habang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway niya at naghasik ng panirang-damo sa gitna ng trigo at umalis. 26 Nang tumubo at mamunga ang trigo, lumitaw rin ang panirang-damo. 27 Kaya ang mga alipin ng may-ari ng bukid ay lumapit sa kaniya at nagsabi, ‘Panginoon, hindi ba mainam na binhi ang inihasik mo sa bukid mo? Paano ito nagkaroon ng panirang-damo?’ 28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’+ Sinabi sa kaniya ng mga alipin, ‘Gusto mo bang lumabas kami at tipunin ang mga iyon?’ 29 Sinabi niya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo ang trigo kasama ng panirang-damo. 30 Hayaan ninyong sabay na lumaki ang mga ito hanggang sa pag-aani, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas: Tipunin muna ninyo ang panirang-damo at pagbigkis-bigkisin ang mga iyon at sunugin; pagkatapos, tipunin ninyo ang trigo sa kamalig* ko.’”+
31 Isa pang ilustrasyon ang sinabi niya sa kanila: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng binhi ng mustasa, na kinuha ng isang tao at itinanim sa kaniyang bukid.+ 32 Ito ang pinakamaliit sa lahat ng binhi, pero kapag tumubo na, ito ang pinakamalaki sa mga gulay at nagiging isang puno, kaya ang mga ibon sa langit ay dumadapo at sumisilong sa mga sanga nito.”
33 Isa pang ilustrasyon ang sinabi niya: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong malalaking takal ng harina kaya umalsa ang buong masa.”+
34 Itinuro ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon,+ 35 para matupad ang sinabi ng propeta: “Bibigkas ako ng mga ilustrasyon; ihahayag ko ang mga bagay na nakatago mula pa noong pasimula.”+
36 Matapos pauwiin ang mga tao, pumasok siya sa bahay. Lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at nagsabi: “Ipaliwanag mo sa amin ang ilustrasyon tungkol sa panirang-damo sa bukid.” 37 Sinabi niya: “Ang manghahasik ng mainam na binhi ay ang Anak ng tao; 38 ang bukid ay ang mundo.+ Kung tungkol sa mainam na binhi, ito ang mga anak ng Kaharian, pero ang panirang-damo ay ang mga anak ng masama,*+ 39 at ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng isang sistema, at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. 40 Kung paanong ang panirang-damo ay tinitipon at sinusunog sa apoy, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng sistemang ito.+ 41 Isusugo ng Anak ng tao ang mga anghel niya, at titipunin nila mula sa Kaharian niya ang lahat ng nagiging dahilan ng pagkatisod* ng iba at ang mga gumagawa ng masama, 42 at ihahagis sila sa maapoy na hurno.+ Iiyak sila roon at magngangalit ang mga ngipin nila. 43 Sa panahong iyon, ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw+ sa Kaharian ng kanilang Ama. Ang may tainga ay makinig.
44 “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng kayamanang nakabaon sa bukid, na nakita ng isang tao at ibinaon ulit; dahil sa saya, umalis siya at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.+
45 “Ang Kaharian ng langit ay gaya rin ng isang naglalakbay na negosyante na naghahanap ng magandang klase ng mga perlas. 46 Nang makakita siya ng isang mamahaling perlas, umalis siya at agad na ipinagbili ang lahat ng pag-aari niya at binili iyon.+
47 “Ang Kaharian ng langit ay gaya rin ng isang lambat na inihahagis sa dagat at nakahuhuli ng bawat uri ng isda. 48 Nang mapuno ito, hinatak nila ito sa dalampasigan, at pagkaupo, inilagay nila sa mga basket ang magagandang klase ng isda,+ pero itinapon nila ang mga hindi mapapakinabangan.+ 49 Ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistemang ito.+ Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang masasama mula sa mga matuwid 50 at ihahagis sila sa maapoy na hurno. Iiyak sila roon at magngangalit ang mga ngipin nila.
51 “Naiintindihan ba ninyo ang lahat ng ito?” Sumagot sila: “Oo.” 52 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ang bawat tagapagturo na naturuan tungkol sa Kaharian ng langit ay gaya ng isang tao, isang may-ari ng bahay, na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan.”
53 Nang masabi na ni Jesus ang mga ilustrasyong ito, umalis siya roon. 54 Pagdating niya sa sarili niyang bayan,+ tinuruan niya sila sa kanilang sinagoga, at namangha sila at sinabi nila: “Saan nakuha ng taong ito ang ganitong karunungan at ang kakayahan niyang gumawa ng mga himala?*+ 55 Hindi ba ito ang anak ng karpintero?+ Hindi ba si Maria ang kaniyang ina, at ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas?+ 56 At hindi ba tagarito rin ang lahat ng kapatid niyang babae? Saan niya kinuha ang lahat ng kakayahan niya?”+ 57 Kaya hindi sila naniwala sa kaniya.+ Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang propeta ay pinahahalagahan kahit saan maliban sa sarili niyang bayan at sa sarili niyang sambahayan.”+ 58 At kaunti lang ang ginawa niyang himala* roon dahil hindi sila nananampalataya.